Isa ang nasawi, habang siyam ang sugatan nang magsalpukan sa San Pascual, Batangas ang isang kotse at isang ambulansya.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang sakuna nitong Miyerkules ng gabi sa diversion road sa bahagi ng Barangay Bayanan.
Ayon sa pulisya, nanggaling sa Lian, Batangas at papunta sana sa Lipa ang ambulansiya na may sakay na siyam katao, kabilang ang driver.
Napansin umano ng nakasakay sa ambulansya na nawalan ng kontrol ang kotse kaya nagbagal sila ng takbo pero sumalpok pa rin ang kotse.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasawi ang driver ng kotse, habang malubhang nasugatan ang driver ng ambulansya,
Nagtamo rin ng minor injuries ang iba pang sakay ng ambulansiya.
Hinala ng mga awtoridad, nasabugan ng gulong ang kotse kaya nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa ambulansiya.
Kumalas umano ang goma sa isang gulong sa hulihan ng kotse.
Nakaburol na sa San Pascual ang nasawing driver ng kotse, habang patuloy na nagpapagaling ang mga nasugatan.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawing driver, pati na ang mga nasugatan, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News