Nagtamo ng malubhang sugat ang isang rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang AUV na kumaliwa umano sa isang panulukan sa Cebu City kahit na bawal.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Nicolo Paragoso, 25-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Mabolo, makikita na tumilapon at umangat ang biktima bago bumagsak sa kalsada dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Ayon sa mga awtoridad, no-left turn ang lugar pero kumaliwa ang driver ng AUV kaya bumangga rito ang motorsiklo ng biktima.

Bukod sa tinamong head injury, nabali rin umano ang paa ng biktima na kaagad dinala sa ospital.

Sinampahan naman ng kaukulang reklamo ang driver. --FRJ, Integrated News