Humiwalay sa motorsiklo ang sidecar ng isang tricycle matapos makasalpukan ang isang van sa Sto. Tomas City, Batangas. Dalawa sa mga sakay ng tricycle ang nasawi. 

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Arlander Zaraga, 51, driver ng tricycle, at sakay niya na si Susan Latam, 58-anyos, kapuwa residente ng Nagcarlan, Laguna.

Patuloy namang nagpapagaling ang dalawa pang sakay ng tricycle.

Ayon sa pulisya, papunta sana sa Tanauan, Batangas ang tricycle at binabagtas ang Maharlika Highway sa Barangay San Vicente sa Sto Tomas City nang mapunta ito sa kabilang linya ng daan kaya nakasalpukan ang van.

Sa lakas ng banggaan, humiwalay ang sidecar sa motorsiklo at nagliyab. Nagtamo rin ng pinsala ang harapan ng van na nabasag ang windshield.

Dead on arrival sa ospital si Zaraga, at pumanaw naman habang ginagamot ang isa pang biktima.

Sa Nasugbu, Batangas, agad na nasawi ang 29-anyos na si Romelito Salaguit, residente ng Barangay Balaytigue, matapos mabangga rin ng kasalubong na van ang minamaneho niyang motorsiklo sa highway ng Barangay Looc.

Ayon sa pulisya, nag-overtake ang van na galing sa outing, at napunta sa kabilang linya kung saan niya nakasalpukan ang motorsiklo ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News