Nasawi ang presidente ng isang kolehiyo sa Ilocos Sur matapos na sumalpok ang minamaneho niyang pickup truck sa isang pampasaherong bus.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Dr. Gilbert Arce, presidente ng Ilocos Sur Polytechnic State College.
Sa kuha ng CCTV camera sa national highway sa bahagi ng Barangay Mabilbila sa Santa, Ilocos Sur, nakikita na lumihis at napunta sa kabilang linya ng kalsada ang pickup truck ni Arce, at sumalpok sa kasalubong na bus.
Bago sumalpok sa bus, isang delivery van ang unang nasagi ng pickup truck ni Arce na bumangga naman sa bakod.
Nakaligtas ang driver at pahinante ng van, habang pitong sakay ng bus ang bahagyang nasugatan pero maayos na ang mga kalagayan.
Ayon sa pulisya, posibleng inatake sa puso o nakaidlip habang nagmamaneho si Arce, na dati ring presidente ng University of Northern Philippines.
Naiuwi na sa kaniyang pamilya ang mga labi ni Arce. Sa harap ng pagdadalamhati, nagpapasalamat ang mga kaanak ni Arce sa lahat ng nagpaabot sa kanila ng pakikiramay. --FRJ, GMA Integrated News