Dalawang teenager ang natagpuang patay sa Abulug River sa Abulug, Cagayan, nitong weekend, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Aldrin Jake Cabalang at Jakebee Balbas.

Batay sa imbestigasyon, nagkayayaan ang magbabarkada nitong Sabado na mag-picnic at mag-inuman sa tabing-ilog. Lumangoy daw ang dalawa pero natangay ng malakas na agos.

Bandang 1 p.m. nitong Linggo nang natagpuan ng mga otoridad ang bangkay ni Balbas habang bandang 5 p.m. naman nakita si Cabalang. —KBK, GMA Integrated News