SAN MATEO, Rizal - Animnapung persons deprived of liberty (PDL) at 20 kawani ng Bureau of Jail Management and Penology ang nagtamo ng minor injuries sa nangyaring kaguluhan sa loob ng kulungan sa San Mateo, Rizal nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera, pitong PDL ang nagpasimula ng noise barrage sa loob ng kulungan.
Nauwi ito sa kaguluhan matapos silang sapilitang pahintuin.
Nagtulong-tulong raw ang BJMP, Philippine National Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Mateo na pahupain ang sitwasyon.
Ayon pa kay Bustinera, ang mga nasugatan ay kaagad namang naipagamot at maayos na ang kalagayan sa ngayon.
Ang kaguluhan raw ay nag-ugat umano sa pagtutol ng ilang PDL sa cashless system ng bilangguan.
Magsasagawa pa rin daw ng masusing imbestigasyon ang BJMP sa totoong kalagayan ng bilangguan at sa mga kawani nito. —KG, GMA Integrated News