Patay ang isang traffic enforcer ng Tanza, Cavite matapos siyang pagbabarilin ng rider na kaniyang sinita dahil umano sa pagmamaneho ng motorsiklo ng lasing.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si William Quimbao.
Tumakas naman ang suspek na si Joseph Llagas, at isang kasama nito.
Sa nag-viral na video, makikita ang komosyon ng suspek at biktima, na may kasamang iba pang traffic enforcer sa bahagi ng Barangay Daan Maya Dos sa Tanza nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sinita at pinara ng biktima ang suspek dahil sa nakainom ito.
Sa gitna ng komosyon, kinuha umano ng suspek ang baril sa kasama nito at ilang beses na binaril ang biktima na tinamaan ng tatlong beses sa ulo, na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Mabilis namang tumakas ang suspek at kasama nito sakay ng motorsiklo.
Nakita na ng mga motorsiklo na ginamit ng mga suspek, pero patuloy na pinaghahanap ang dalawa.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, habang tiniyak naman ng Calabarzon police na bibigyan ng hustisya ang sinapit ng biktima.--FRJ, GMA Integrated News