Patay ang isang 26-anyos na rider, habang sugatan ang angkas niyang babae matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa likuran ng isang truck na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Taal, Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Marvin Landicho.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano si Landicho at kasama nitong babae sa bayan ng Sta. Teresita at pauwi na sa Barangay Cultihan sa bayan ng Taal.
Pero habang binabagtas nila ang kalsada sa bahagi ng Barangay Carasuche, sumalpok sila sa likod ng truck na nakaparada sa gilid ng daan matapos masiraan kaninang madaling araw.
Kaagad na nasawi ang rider, habang dinala at patuloy na nagpapagaling ang angkas niyang babae.
"Naglagay ng early warning devices nila [ang nasa truck] para sa mga incoming vehicle. Sabi eh walang helmet ang magkaangkas [na] mabilis na binabagtas yung kalsada at ito nga po'y sumalpok doon sa likurang bahagi ng truck," ayon kay Police Major Fernando Fernado, hepe ng Taal Police Station.
Nag-uusap na ang pamilya ng biktima at driver ng truck kaugnay sa nangyaring disgrasya.-- FRJ, GMA Integrated News