May natukoy nang limang "persons of interest" (POI) ang pulisya sa Davao City kaugnay sa kaso ng 28-anyos na babaeng architect na ginahasa at pinatay noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Rgil Relator sa At Home with GMA Regional TV nitong Huwebes, sinabing inaalam pa ng Special Investigation Task Group (SITG) kung ilan talaga ang sangkot sa krimen.
“We have 5 persons of interest. Kaya naging persons of interest sila kasi possible na mayroong involvement, possible na mayroong alam sila doon sa nangyaring insidente,” paliwanag ni Police Regional Office-Davao (PRO-11) spokesperson Leiutenant Colonel Eudisan Gultiano.
Umaga noong Mayo 17 nang makita sa banana plantation sa Barangay Dacudao sa Calinan district, Davao City ang katawan ng biktima na tinakpan ng mga dahon ng saging.
Bago nito, nakapag-text pa ang biktima sa kaniyang mga magulang noong gabi ng Mayo 16 na pauwi na siya sakay ng tricycle, na tinatawag ding "bao-bao."
Hanggang ngayon, hindi pa nakikita ng mga awtoridad ang bao-bao na ginamit sa krimen at hindi pa rin kilala kung sino ang nagmamaneho nito.
Magsasagawa naman ng imbentaryo ang SITG kung sino ang mga bumili ng bagong modelo na bao-bao.
May posibilidad din umano na naninirahan sa Calinan District ang salarin dahil pamilyar ito sa lugar.
“Hindi natin binibigyan ng timeline [ang imbestigasyon]. Kasi we don’t want to pressure the investigation. Ang maganda lang ho kasi ngayon, mayroon nang direction kung naan nakatutok ang imbestigasyon,” ayon kay Gultiano.
Nauna rito, nag-alok si Davao City Representative Paolo Duterte ng P1 milyon pabuya para madakip ang salarin.
“Ang kino-confirm natin kasi mahirap kapag circumstantial evidence. Mas maganda kung may direct evidence na makakapagturo doon sa suspect. That’s why yan ang panawagan natin to anyone who has positively identified the bao-bao driver kasi siya ang susi [para malutas ang krimen]," sabi pa ni Gultiano. --FRJ, GMA Integrated News