Limang magkakamag-anak, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay sa Cagayan de Oro.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya nitong Miyerkules sa Osmeña St, Barangay 34, Cagayan de Oro.
Kinilala ang mga nasawi na sina Chariz Veil Cagampang, 25, at common-law partner nito na si Melvin Subteniente, 26, at anak nila na si Charade Benz Subteniente, 9; at pamangkin na sina Shider Jed Cagampang, 10; at Seems Wheired Balana, 2.
Natutulog umano ang mga biktima nang sumiklab ang sunog. Nakita ang kanilang mga labi sa ikalawang palapag ng bahay.
Ayon kay Emmafer Cagampang, lola ng mga bata at ina ni Chariz, mabilis ang mga pangyayari at ang apo na nasa tabi na lang niya ang kaniyang nailigtas.
Naging mahirap umano ang pagreponde ng mga bumbero dahil makipot ang daan sa lugar at dikit-dikit ang mga bahay na gawa sa light materials.
Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog. --FRJ, GMA Integrated News