Patay ang isang barangay health worker (BHW) sa Pangasinan matapos aksidenteng tamaan sa noo ng hawakan ng poso habang siya ay nag-iigib.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na inilabas sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gueguensangen, Mangaldan, Pangasinan.
Natagpuan ang bangkay ng biktima na si Hilda Siapno, 50-anyos, sa tabi ng poso at nakitaan ng malalim na sugat sa kanyang noo.
Ayon sa ina ng biktima, tinamaan ng hawakan ng poso ang noo ng biktima kaya natumba ito at sumubsob sa kanal. Mag-iigib daw sana ang biktima.
"Kinuha namin na matigas na [ang kanyang bangkay] ... masakit talaga ang nangyari sa anak ko. Hindi namain nasaklolohan sa kanyang paghihirap," pahayag ng ina ni Hilda na si Pili Siapno-Magno.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang pulisya, pero tiniyak umano nila na walang foul play sa insidente, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News