Kinagigiliwan ng netizens ang kakaibang talento ng isang lalaki dahil visual artist na, voice impersonator pa na kayang gayahin ang boses ng nasa 60 mga personalidad.
Sa ulat ng GMA Regional TV Southern Tagalog, na iniulat din ni JP Soriano sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing kayang gayahin ni Jed Hael, tubong Cuenca, Batangas, ang boses ng mga tagapagbalitang sina Mike Enriquez at Kuya Kim Atienza, at ng mga sikat tulad ni Babalu.
Kaya rin ni Hael na kopyahin ang boses ng mga cartoon character tulad nina Nobita at Doraemon.
Umabot na sa 1.8 milyong views ang ilan sa videos ni Hael.
“Kulitan namin ng mga magkakatropa, ginagaya ko po ‘yung mga boses tapos nare-recognize nila, ‘Uy! Kaboses ah!’ Tinuloy-tuloy ko siya kasi napapasaya ko silang mga kaklase ko,” kuwento ni Hael.
Kaya naman gulat noong una ang kaniyang misis na si Vivian sa tuwing kinakausap siya.
“Kasi dati napapakinggan ko lang siya sa CR, habang naliligo ang tagal-tagal niya sa CR tapos ang ingay-ingay niya, kung sino-sino ang mga boses na naririnig ko,” sabi ni Vivian Hael.
Sa ngayon, mahigit 60 personalidad na ang kayang i-voice impersonate ni Hael.
Nanggagaya man ng mga boses ng iba, orihinal naman si Hael pagdating sa kaniyang mga obra sa pagpipinta.
Magkakaiba man ng disiplina, layon ni Hael na makapag-inspire at makapagpasaya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Pintor na isa ring voice impersonator, kayang gayahin ang boses ng mahigit 60 personalidad
Abril 22, 2023 9:15pm GMT+08:00