Isang sanggol ang idineklarang patay sa isang ospital sa Sta. Maria, Bulacan bagama’t mayroon pa daw itong buhay ayon sa kaniyang ama.
Ayon sa ulat ni Tina Pangiban-Perez sa “24 Oras” nitong Miyerkules, naghain ng reklamo ang mag-asawang Ben at Ana (hindi nila tunay na mga pangalan) laban sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital matapos umanong ideklarang patay ang kanilang anak na isinilang nang kulang sa buwan.
Huli umanong nakita ni Ben ang kaniyang anak na tila naghahabol ng hininga at bahagyang gumalaw pa.
“Nung sinabi ko sa nurse na buhay pa yung anak ko ang sabi sa akin, 'Kuya, guni-guni mo lang yun'... Bumili raw po ako ng karton para ilalagay 'yung bata," sabi ng ama.
"Pag-abot po sa aking nung bata ang sabi sakin ng nurse ilibing ko na raw po kaagad,” dagdag pa niya.
Muling ibinalik ng mag-asawa sa ospital ang sanggol at doon pa lamang nilagyan ng oxygen support.
Dahil sa kakulangan sa pasilidad, ini-refer umano ang kanilang pamilya sa isang ospital sa Cabanatuan City na mahigit dalawang oras ang layo.
Dinala ang sanggol sa ospital ngunit tuluyan na itong binawian ng buhay.
“Two hours po mahigit ang biyahe... Pagdating namin doon, ang bata nag-iba na ng kulay, bumalik na yung pasa-pasa,” sabi ni Ben.
Ayon sa mag-asawa, hindi sana namatay ang kanilang anak kung nabigyan lamang ito ng tamang atensyon.
Nagpaabot ng pakikiramay ang ospital sa pamilya. Sa isang opisyal na pahayag, ipinaliwanag nila na “extremely premature” umano ang sanggol na tumimbang lamang ng 600 grams nang isilang.
Wala rin umano itong tibok ng puso nang ipanganak, walang paghinga, hindi gumagalaw, at kulay asul na kahit matapos ang higit isang oras.
Nabigyan din umano nila ng sapat na post partum at newborn care ang mag-ina.
“Nakabalik ng 9 a.m. sa pagamutang ito at agad na natingnan ng Pediatrician at nabigyan ng lahat ng puwedeng ilapat sa kanya kahit walang Neonatal ICU at Neonatologist ang Level 1 hospital na ito,” sabi nito.
“Ni-refer sa tertiary hospital ang sanggol at ito ay tinanggap ng ikatlong ospital na tinawagan ng aming pediatrician,” dagdag pa nito.
Masusi umano nilang pinag-aaralan ang insidente at hindi na muna magbibigyan ng komento ukol dito.
Bukas din umano sila sa mga katanungan at sasagutin na lamang ito sa tamang forum. —Sundy Locus/NB/FRJ, GMA Integrated News