Patay ang isang babaeng punong barangay sa Maitum, Saranggani matapos barilin sa ulo ng salaring sakay ng motorsiklo noong Linggo ng umaga.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV Davao sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Tonesa Sarudin, chairwoman ng Barangay ng Mindupok.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakatayo umano sa harapan ng barangay hall ang biktima nang lapitan siya at barilin ng nakatakas na salarin.
Hinala ng mga awtoridad, may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang punong barangay ang nangyaring krimen.
"May history na kasi sa barangay na 'yan especially sa rido ng dalawang faction ng MILF (Moro Islamic Liberation Front). Baka sa mga operation na ginagawa natin sa area at sa support niya sa pagpapanatili ng katahimikan sa kaniyang barangay," ayon kay Police Major Bernard Francia, Jr. hepe ng Maitum Municipal Police Station.
Bago paslangin si Sarudin, binaril at napatay din nitong Sabado ang isa pang punong barangay na si Danny Angkay, ng Barangay Salaman sa Lebak, Sultan Kudarat.
Nasa sasakyan noon ang biktima nang lapitan siya at barilin ng salarin sa Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Sabado ng hapon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaslang at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng salarin na nakatakas.
Nito lang nakaraang linggo, binaril at pinatay din habang nasa kotse ang isang barangay kagawad sa Parang, Maguindanao del Norte.
Nagtamo rin ng malubhang sugat ang kaniyang asawa. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News