Tinamaan ng kidlat ang anim na kabataan sa Digos City, Davao del Sur kung saan lima sa kanila ang binawian ng buhay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes mula sa GMA Regional TV One Mindanao.
Batay sa imbestigasyon, nakasilong ang anim sa isang kubo sa Camp Madigger dahil sa ulan nang tamaan ito ng kidlat.
Nasa kalahating oras bago nakarating ang mga taga-Digos City Risk Reduction Management Office sa lugar dahil sa maputik na daan dulot ng malakas na pag-ulan.
Kuwento ng nakaligtas na biktima, bigla na lang may tumamang malakas na kuryente sa kinaroroonan nila. Hinimatay daw siya at paggising niya nakahandusay na ang kaniyang mga kasama.
Dahil sa insidente ay pinagbawal muna ang pagpapapasok sa Camp Madigger. Nag-alay din ng bulaklak at dasal ang tribo sa lugar. —KBK, GMA Integrated News