Patay ang hepe ng mga pulis ng San Miguel, Bulacan matapos barilin ng mga armadong lalaki sa isang police operation nitong Sabado na gabi.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Linggo ng umaga, sinabing sa ospital na binawian ng buhay si Police Lieutenant Colonel Marlon Serna dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Binaril si Serna ng isa sa dalawang magnanakaw na kanilang hinahabol at namataan sa Barangay Buhol Na Mangga sa kalapit na bayan ng Ildefonso, ayon sa ulat ng dzBB.
Ayon kay Bulacan Police Office provincial director Police Colonel Renie Arnedo, nakatanggap ang San Miguel Police ng report dakong alas-nuebe ng gabi ng Sabado na may nangyaring nakawan sa Barangay San Juan.
Nagkasa kaagad ang biktimang si Serna ng followup operation na siya mismo ang namumo upang hulihin ang mga suspek.
Namataan ng team ni Serna ang dalawang magnanakaw na magkaangkas sa motorsiklo. Pero sa halip na sumuko, agad na nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek at tinamaan ang hepe ng pulis sa kanyang ulo.
Naisugod pa si Serna sa ospital pero binawian rin siya ng buhay.
Sugatan din sa insidente ng pamamaril ang isang 17-anyos na binatilyo, dagdag ng ulat.
Patuloy ang pagtugis ng police sa mga suspek.
Samantala, sa isang follow-up report sinabing nakalikom na ng aabot sa P1.2-milyong pabuya ang Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Philippine National Police (PNP) para sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng mga salarin. —LBG, GMA Integrated News