Patay na at nakaposas ang isang 26-anyos na lalaki nang matagpuan ng mga awtoridad ang kaniyang bangkay isang araw matapos siyang iulat na nawawala sa Cavite.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, nakita ang mga labi ng biktimang si Ralp Matthew Peredo sa isang bakanteng lote sa bayan ng Alfonso nitong Sabado, isang araw matapos mawala noong Biyernes.
Huling nakausap umano ng biktima ang kaniyang live-in partner.
“Suspected gunshot wound sa kanyang ulo...Base po sa pag-iimbestiga ng ating SOCO, may narekober na spent shell ng 9-mm. Ang isang kahina-hinala rito, nakaposas siya,” ani Alfonso Cavite Police Chief Major Rommel Dimaala.
Pagnanakaw umano ang nakikitang motibo ng mga pulisya sa krimen dahil nawawala ang mga alahas at relo ng biktima na nagkakahalaga ng P400,000.
Sa pagba-backtrack ng mga awtoridad sa mga karatig na lugar ng krimen, nakuha nila ang isang kopya ng CCTV footage na nakuhanan ang biktima habang papalabas sa isang transient house, pitong kilometro ang layo mula sa lugar kung saan nakuha ang kaniyang bangkay.
Binantayan ng mga awtoridad ang lugar at nahuli ang suspek na si Eljohn Samano na nakitang lumabas mula sa nasabing paupahan.
Kinasuhan na ng murder si Samano, habang pinaghahanap pa ang tatlong suspek, kasama ang isang retiradong pulis na nakitang kasama ng biktima nang dumating sa transient house.
Sinubukang kuhanin ng GMA Integrated News ang komento ni Samano ngunit tumanggi ito.
“Sa korte ko na lang po sasabihin ang lahat. Mayroon po akong abogado baka matulungan niya rin ako,” aniya.
Samantala, nanawagan naman ang pulisya sa live-in partner na biktima dahil hindi raw ito nakikipag-ugnayan sa kanila. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News