Nahuli-cam sa Taal, Batangas ang ginawang pananambang ng dalawang lalaki sa isang pick-up truck na may apat katao na sakay. Ang hinihinalang ugat ng krimen, away sa 'di umano nababayarang construction materials.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing sugatan at isinugod sa ospital ang mga biktima na sina Jay-R Fortuno, 39-anyos, residente ng Sta. Teresita, Batangas, gayundin ang kapatid niya na si Joel, ang kinakasama nito na si Jemalyn Alvarez, at si Jaspin Martinez.
Sa kuha ng CCTV camera sa kanto ng Barangay Poblacion-Zone 5 ng Taal, makikita ang dalawang suspek na tila may inaabangan. At nang dumating ang sasakyan ng mga biktima, pinagbabaril nila ito.
Kaagad na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril.
Galing umano sa Lemery, Batangas ang mga biktima at pauwi na sa Sta. Teresita nang mangyari ang krimen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na alitan sa pagbabayad ng materyales sa kinokontratang bahay ang lumilitaw na motibo sa krimen.
Ayon kay Police Major Dante Majadar, hepe ng Taal Police Station, may nakuhang kontrata ang biktimang si Jay-R sa Barangay Sta. Monica sa San Luis na nagkakahalaga ng P4.4 milyon.
Ang mga materyales umano sa ginagawang bahay ay kinukuha naman sa isang Romer Atienza. Nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa tungkol sa bayaran ng materyales na pinaniniwalaang dahilan para ipautos umano ni Atienza ang pananambang sa mga biktima.
Sa follow-up investigation, nadakip ang isa umano sa mga namaril na si Jayson Rayo. Inaresto rin si Atienza, na itinuturing utak sa pananambang sa mga biktima.
Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng pahayag, habang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News