Inaresto ang isang lalaki sa Cabuyao, Laguna na nagpapanggap umano na pulis dahil sa reklamong pangingikil sa isang negosyante.
Iniulat ng Unang Balita nitong Biyernes ni Marisol Abdurahman na nagpakilala ang suspek na si Jericho Manalo na pulis siya.
Pahayag ni Police Col. Jack Angog, hepe ng Cabuyao Police, "Nagpakilala ang suspek na pulis at intel daw po siya."
Kwento ng biktima, nagbenta sa kanya ang anak ni Manalo ng grinder sa halagang P500. Pero binawi umano kinabukasan ng suspek ang grinder dahil siya raw ang totoong may-ari.
Wala nang nagawa ang biktima, ayon sa ulat.
"Nagpanggap po na intel, kaya po'y natakot, ako," pahayag ng biktimang si Rommel Malicden.
Pero hindi daw nagtapos dun ang usapan ng suspek ng biktima.
Hiningan pa umano ng P30,000 ng suspek ang biktima para hindi kasuhan ng anti-fencing law.
Pumayag daw ang biktima dahil pa rin umano sa takot, pero naibaba ang halaga sa P10,000.
Nagduda ang biktima kaya nagsumbong na siya sa mga pulis, na nagkasa naman umano agad ng entrapment operation.
Tinitingnang sasampahan ng reklamong usurpation of authority at robbery-extorion ang suspek, ayon kay Angog.
Todo tanggi sa paratang ang suspek: "Hindi po, hindi po totoo..."
Sa tingin umano ng biktima, kasabwat ni Manalo ang kanyang anak na nagbenta sa kanya ng grinder. Bahagi daw ito ng "pagbili mo, huli ko" na modus.
"Pagbili mo po ng kalakal, huhulihin ka nila sa setup," pahayag ng biktima.
Iniimbestigahan na raw ng mga pulis ang naturang modus at inaalam kung may iba pang nabiktima ang suspek. —LBG, GMA Integrated News