Tila kulang ang lamig ng klima sa Baguio City para maibsan ang init ng ulo ng isang driver ng van at isang motorcycle rider na naghuli-cam na nagsuntukan sa gitna ng kalsada.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, makikita sa video na ang driver umano ang unang nagpakawala ng suntok.
Gumanti naman ng suntok ang rider, pero tinamaan siya ng wasiwas ng driver na dahilan para siya matumba.
Dahil sa suntukan, nagdulot ito ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Abanao Street.
Naawat din naman kaagad ang dalawa nang may dumating na pulis. Pero nang kakausapin na ang rider, bigla umano itong humarurot palayo.
Inaalam na ng pulisya ang plaka ng motorsiklo ng rider para hanapin siya.
Samantala, sinabi ng pulisya na ipinaliwanag ng driver ng van na napilitan siyang bumaba at makipagsuntukan dahil sinuntok umano ng rider ang kaniyang sasakyan.
Napag-alaman na bago mangyari ang kanilang sagupaan, nagkagitgitan na ang dalawa hanggang sa makarating sila sa lugar kung saan sila nagsuntukan.
Hindi na umano tinekitan ang driver ng van pero binigyan siya ng warning.--FRJ, GMA Integrated News