Nakalagay sa sako at pinatungan ng mga bato ang bangkay ng isang babaeng 10-taong-gulang nang matagpuan na nakalubog sa sapa sa Misamis Oriental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa At Home with GMA Regional TV nitong Martes, sinabing Marso 1 nang iulat na nawawala ang biktima sa Claveria, Misamis Oriental.
Pumasok umano ang biktima sa eskuwelahan pero hindi na siya nakauwi.
Ayon sa pulisya, pagkaraan ng tatlong araw noong Marso 4 ng hapon, isang bangkay ng batang babae ang nakita sa sapa sa Sitio Ban-Ban,Barangay Ane-I sa Claveria.
Nakalagay sa sako ang bangkay na pinatungan ng mga bato. Nakumpirma rin ng mga awtoridad na ang bangkay ay ang nawawalang biktima.
Kasunod ng pagkakatuklas sa bangkay ng biktima, nagtungo naman sa himpilan ng pulisya ang 28-anyos na suspek, at kinalaunan ay umamin sa krimen.
Batay umano sa kuwento ng suspek, sinabi ng awtoridad na dinala umano nito ang biktima sa bahay at hinampas ang ulo nito. Matapos nito, dinala niya ang bangkay sa sapa, inilagay sa sako, at nilagyan ng mga bato para hindi na lumutang sa tubig.
Nakonsensiya umano ang suspek kaya umamin sa krimen.
Sa inilabas na pahayag ng Misamis Oriental Police Provincial Office, sinabi umano ng suspek na nakita niyang naglalakad na mag-isa ang biktima nang kaniyang dukutin at pinagsamantalahan. --FRJ, GMA Integrated News