Isang mini dump truck ang nawalan umano ng preno kaya ibinangga ng driver sa gilid ng bundok sa Aguilar, Pangasinan. Pero sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang ilang sakay nito at may mga naipit sa loob ng sasakyan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, apat sa mga sakay ng truck ang nasawi, at 31 naman ang dinala sa ospital.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, mga construction workers ang mga biktima at pauwi nang mangyari ang sakuna sa bahagi ng Barangay Laoag.
Ayon kay Police Major Mark Ryan Taminaya, hepe ng Aguilar Police Station, mayroong ginagawang solar farm sa itaas ng bundok.
Batay umano sa kuwento ng ilang nakaligtas, pababa umano ang daan nang mawalan ng preno ang truck kaya nagpasya ang driver na ibangga umano ang sasakyan sa gilid ng bundok.
Pero sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon sa sementadong kalsada ang ilang sakay at may naipit din sa loob.
Maliban sa pagkawala ng preno, hinihinala ng pulisya na dahilan din ng aksidente pagiging overloaded ng truck.
Handa raw magsampa ng kaso ang ilang kaanak ng biktima laban sa driver ng truck na kabilang sa mga sugatan.--FRJ, GMA Integrated News