Maling kalkulasyon sa daan at kakulangan sa kaalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo ang pinaniniwalan ng pulisya na dahilan kaya nahulog sa bangin ang dalawang babae sa Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng malubhang sugat ang dalawang babae dahil sa nangyaring aksidente sa Lobo, Batangas noong Lunes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na minamaneho ni Lorena Gonzaga, 53-anyos, ang motorsiklo sa bulubunduking kalsada sa Barangay Malabrigo nang mahulog sila sa bangin.
Patungo umano si Gonzaga at ang babaeng angkas nito sa town proper ng Lobo nang mawalan ng kontrol ang rider sa motorsiklo.
Mabuti na lamang na may mga nakakita sa insidente na tumawag ng rescue unit at nadala sa pagamutan ang dalawa.
"Siguro dahil wala silang masyadong kaalaman sa pagmamaneho dahil walang lisensiya po ang yung babae na nagmamaneho kaya nangyari po yung aksidente," ayon kay Police Major Serapin Gapunuan, hepe ng Lobo Police Station.
Napag-alaman din na walang suot na helmet o anumang proteksyon sa katawan ang mga biktima, na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga biktima, ayon sa ulat.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista lalo na sa mga nagmomotorsiklo na laging mag-ingat sa pagmamaneho lalo na kung hindi kabisado ang daan.--FRJ, GMA Integrated News