Pinaiimbestigahan sa National Bureau of Investigation ang pagkamatay ng isang bata sa isang bayan sa Cebu, matpos umano tamaan ng bola sa dibdib.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na inireport din ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng paaralan sa Badian, Cebu.
Matapos tamaan ng bola sa dibdib, nangitim at nilagnat daw ang 12-anyos na batang lalaki, isinugod sa ospital at kalaunan ay binawian ng buhay.
Ayon sa ulat, ikinuwento ng mga kaklase sa pamilya ng biktima na isang mag-aaral ang sumipa ng bola at tumama sa dibdib ng bata.
Natumba at sumuka raw ng dugo ang biktima.
Naniniwala umano ang mga magulang ng bata na biktima ng bullying ang kanilang anak, dagdag ng ulat.
Dumulog na ang pamilya ng bata sa NBI at pinaiimbestigahan ang pagkamatay ng anak.
"Gusto naming makuha ang hustisya. Hindi basta-basta ang mawalan ng anak," pahayag ng ama ng biktima.
Nakalagay sa death certificate ng bata na hypoxic shock at posibleng cardiopulmonary arrest ang ikinasawi ng bata.
Ngayong linggo, ayon sa NBI, isasailalim sa autopsy ang mga labi ng bata. Bukod pa dito, nag-iimbestiga na rin umano ang Cebu Provincial Police tungkol sa insidente.
Samantala, bukas umano ang paaralan para sa imbestigasyon, at naninindigan ito na walang nangyaring bullying sa kanilang school.
"Mas mabuti 'yan, sir, para hidni naman makuwestyon ang paaralan for anything. Tapos ma-clear up rin kami," pahayag ni Marissa Delos Reyes, principal ng Badian National High School. —LBG, GMA Integrated News