Patay ang isang dating tauhan ng anti-crime group matapos siyang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Tanauan City, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," kinilala ang biktima na si Nolasco Bucad, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at ulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, papunta umano si Bucad sakay ng motorsiklo sa binabantayang bukid nang sundan siya ng dalawang salarin na sakay din ng motorsiklo.
Pagsapit sa Barangay Boot, doon na pinagbabaril ang biktima.
Sa dami ng tinamong tama ng bala ni Bucad, hinihinala ni Police Senior Master Sergeant Shaldie Manzanilla, imbestigador, na maaaring pinagbabaril pa ang biktima kahit nakatumba na.
Napag-alaman na dating nagtrabaho sa anti-criminality group sa dating administrasyon ng Tanauan City ang biktima.
Isa ito sa mga tinitingnan ng pulisya na maaaring motibo sa krimen.
"Baka mayroon siyang kagalit o dati nang kagalit na inantay lang siguro siyang mawala sa poder ng gobyerno ng Tanuan kaya binalikan siya," ayon kay Manzanilla.
Pero ayon sa ina ng biktima, walang nababanggit ang kaniyang anak na nakaaway o nakaalitan, at madalas din itong lumalabas ng bahay.
Naghahanap ng kopya ng CCTV footage ang pulisya na maaaring makatulong para sa pagresolba sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News