Binihag ng isang 44-anyos na lalaki ang kaniyang 19-anyos na kapitbahay na babae sa Lagangilang, Abra. Ang suspek, humiling sa mga pulis na magpadala ng reporter ng GMA 7 na naka-van at may marka ng naturang TV network.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing nagkaroon ng trauma ang nasagip na biktima na isang estudyante.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapakain ng aso sa labas ng kanilang bahay ang babae nang bigla siyang hatakin ng suspek.
Dinala ng suspek ang biktima sa bahay ng kapatid at doon itinali. Rumesponde naman ang mga pulis at nakipag-negosasyon.
"Ang demand lang niya is makakuha ng reporter ng GMA 7. Unfortunately ang sabi niya dapat GMA 7 na may van, may marka ng GMA 7. Sabi namin to buy time, 'kung ganyan ang demand mo manggagaling pa sa Maynila yung GMA 7,'" ayon kay Police Colonel Maly Cula, Director, Abra Police Provincial Office.
Matapos ang apat na oras na negosasyon, puwersahang pinasok ng mga pulis ang bahay sa pamamagitan ng pagsira sa pinto sa likod nito.
Nadakip ang suspek at ligtas na nasagip ang biktima.
Nakuha sa suspek ang isang homemade na caliber 22 na baril at mga bala.
Humingi naman ng paumanhin ang suspek sa mga nadamay sa kaniya umanong pinagdadaanan.
Ayon sa pamilya, may problemang kinakaharap ang suspek, na madaragdagan sa kaukulang kaso na isasampa laban sa kaniya. --FRJ, GMA Integrated News