Napatay ng mga awtoridad sa operasyon matapos umanong manlaban ang isa sa mga suspek sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong Pebrero 17.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, kinilala pa lang ni Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region chief Police Brigadier General John Guyguyon, sa alyas "Otin" ang napatay na suspek kaugnay sa pagtugis ng pulisya sa mga suspek dahil sa ginawang pananambang sa gobernador na nangyari sa Bukidnon.
Nakaligtas si Adiong, pero nasawi ang apat niyang kasama na kinabibilangan ng tatlong pulis at isang driver.
Ayon sa PNP, si Otin ay anak umano ng isang alias “Fighter,” na kabilang din sa mga tinutugis na suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Miyerkules, sinabi ni Police Major Alvison Mustapha, spokesperson ng Lanao del Sur Provincial Police Office, na hindi miyembro ng Dawlah Islaiyah o Isis ang mga suspek sa pag-ambush kay Adiong.
"Ang pagkakakilanlan natin sa kanila ay group of wanted persons na parang nag-organize ng sariling grupo nila," anang opisyal.
Kinumpirma rin niya ang pagkakapatay sa naturang isang suspek sa ambush pero wala itong tunay na identity.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan umano ng mga imbestigador ang mga biktima at sa kanilang pamilya para makuha ang kanilang pahayag sa nangyari kaugnay sa isasampang kaso laban sa mga suspek.
"We condemn this senseless act of violence against our public servants. We assure the public that the PNP will exhaust all efforts to bring the perpetrators to justice,” pahayag ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr.
“We stand in solidarity with the families of the victims, and we will not rest until those responsible are held accountable for their actions,” patuloy niya.
Nauna nang inihayag ng pulisya na posibleng may kinalaman sa kampanya kontra-droga ng gobernador ang motibo ng mga salarin sa nangyaring pananambang sa grupo ng lokal na opisyal--FRJ, GMA Integrated News