Kahit may mga CCTV camera sa kalye at nasa pampublikong lugar, walang takot na dinadakma ng isang rider ang maselang bahagi ng katawan ng mga binibiktima niyang babae sa Dipolog City. Ang suspek, natukoy kinalaunan ng pulisya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinago sa pangalang "Aimee," ang isa sa dalawang biktima ng panghihipo sa bahagi ng General Luna St. sa nasabing lungsod.
Sa CCTV footage, makikita si Aimee na naglalakad sa bangketa kasama ang isa pang babae. Nangyari ang insidente noong Disyembre 10, 2022, at pauwi na ang biktima mula sa simbahan dakong 8:00 pm.
Ang suspek, nakasuot ng helmet pero hindi nakababa ang takip sa mukha nito. Tumigil siya sa kanto at palinga-linga. Nang matapat na sa kaniya si Aimee, biglang hinawakan ng suspek na itinago sa pangalang "John," maselang bahagi ng katawan ng biktima.
Makikita na nagkatinginan pa ang nabiglang si Aimee at ang suspek na si John. Kaagad na umalis ang suspek pero nakita umano ni Aimee ang mukha ng lalaki.
Sa isa pang kuha ng CCTV sa ginawang pag-atake ng suspek, makikita ang isang babae na nakatayo sa tabi ng daan na tila naghihintay ng masasakyan.
Nangyari ito hindi kalayuan sa lugar kung saan hinipuan si Aimee. Hindi nagtagal, dumating ang rider na naka-helmet, at dinakma rin ang maselang bahagi ng katawan ng babae bago umalis.
Ayon sa pulisya, natukoy na iisang tao lang nasa likod nang nangyaring panghihipo. Dahil nakita ni Imee ang mukha ng umatake sa kaniya, tiniyak niya na si John iyon.
Sinampahan si John ng reklamo sa piskalya nang paglabag sa Republic Act 11313 o Anti Bastos Law, at Unjust Vexation.
Hinihintay pa ng pulisya ang desisyon ng piskal sa pagpapalabas ng arrest warrant para madakip si John, na napag-alamang anak ng isang guro.
Tumanggi ang ina ni John sa panayam dahil dinidinig pa sa piskal ang reklamo. Pero nagbigay siya ng pahayag at sinasabing lalabanan nila ang kaso dahil inosente ang kaniyang anak.
"Tinanong namin ang anak ko, hindi raw siya 'yon. Bakit pangalan niya agad ang sinasabi eh wala nang plate number at helmet. Professional ang anak ko, nakatapos 'yan at walang kahit anong record. Hintayin na lang natin ang desisyon ng piskal," anang ina ng suspek.
Napag-alaman naman na pinapunta ng piskal sa opisina si Aimee kaugnay ng reklamo niya laban sa suspek.
"They would want to consider the settlement because it's the shortest way to end the case," ani Aimee.
Pumayag kaya si Aimee sa sinasabing areglo na nais ng kampo ng suspek? Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News