Idinadaing ng mga magsasaka ng puting sibuyas sa Nueva Ecija ang pagbagsak ng farm gate price ng produkto na nasa P45-P50 bawat kilo kung kailan panahon na ng anihan. Ang sinisisi nila, ang mga imported na sibuyas.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing naglalaro naman sa P190-P200 per kilo ang farm gate price ng pulang sibuyas.
Ang mga imported na sibuyas na nabibili umano sa halagang P100 per kilo ang nakikita nilang dahilan kaya bumagsak ang farm gate price.
Hindi raw sana sinabayan ng pag-import ng mga sibuyas ang panahon ng kanilang anihan ng produkto.
Nangangamba ang mga magsasaka na lalo pang babagsak ang farm gate price ng sibuyas dahil nagsisimula na ring mag-ani ng sibuyas ang mga magsasaka sa Bongabon na tinaguring onion capital ng bansa.
Ang mga nagtatanim ng sibuyas sa Vintar, Ilocor Norte, nanlulumo naman sa pagkalugi dahil sa mababang presyo ng kanilang sibuyas at kakaunting ani.
Nagkakahalaga lang umano ng P100 per kilo ang farm gate price ng kanilang pulang sibuyas.
Malaki raw ang kanilang lugi dahil sa mahal na gastos sa pagtatanim pero kakaunti lang ang kanilang ani dahil na rin sa epekto ng mga pag-ulan noong nakaraang taon.
Dapat umanong nasa P200 ang presyo ng sibuyas para makabawi sila sa gastos. Pero sa halip, binabarat pa ang kanilang produkto.--FRJ, GMA Integrated News