Anim na pasahero ang patay, kabilang ang tatlong guro, habang 13 iba pa ang sugatan nang sumalpok sa truck ang isang jeep na umiwas umano sa lubak-lubak na kalsada sa Castilla, Sorsogon.
Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa national highway sa bahagi ng Barangay San Rafael.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang unahan ng jeep na tumama sa unahan ng delivery truck.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-counterflow umano ang jeep upang iwasan ang lubak sa linya ng kalsada na kaniyang daraanan.
Ayon pa sa pulisya, sinabi ng driver ng truck na iiwasan sana niya ang jeep pero hindi na niya nagawa dahil may mga tao umano sa gilid ng daan na maaari naman niyang tamaan.
Anim na pasahero ng jeep ang nasawi, kabilang ang tatlong guro, at 13 iba pa ang sugatan, kabilang ang driver ng jeeep.
Mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple injuries and damage to property ang driver ng jeep.--FRJ, GMA Integrated News