Dalawang putol na kamay na nasa loob ng lalagyan ng ice cream na may kasamang sabaw at sahog ang nakita sa basurahan sa Bacolod City.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nakita ang mga putol na kamay sa basurahan na malapit sa material recovery facility ng Barangay Dos noong madaling araw ng Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV camera ng barangay, nahagip ang isang puting van na nakitang sandaling tumigil sa lugar kung saan nakita ang mga putol na kamay.
Pero dahil malabo ang kuha ng camera, hindi nakita ang plaka ng sasakyan at ang mga sakay nito.
Hinihinala ng pulisya na posibleng nanggaling sa naturang van ang nag-iwan ng lalagyan ng ice cream.
Nilinaw din ng mga awtoridad na hindi "niluto" ang mga kamay at inilagay lang sa container ng ice cream na mayroong sabaw at sahog.
Posible umano na sa isang tao lang ang mga kamay na kinunan na ng DNA sample at fingerprints at ipinadala sa crime laboratory ng pulisya.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang nakuhang papel na kasama ng mga kamay na naglalaman ng mga pangalan ng ilang residente sa barangay.
Ayon sa pulisya, ipinatawag na ng barangay ang mga nasa listahan at ilan umano sa mga ito ang itinuturing drug personality, nasangkot sa ilegal na gawain at gumagamit ng bawal na gamot.—FRJ, GMA Integrated News