Isang KTV bar sa Angeles City, Pampanga na pugad umano ng prostitusyon at mga banyaga ang karaniwang parokya ang sinalakay ng mga awtoridad. Nasa 50 babae ang nasagip, kabilang ang isang menor de edad.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang pagsalakay ay isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Central Luzon Office.
Sa video na kuha ng NBI sa mga kwarto sa KTV bar na "high-end" umano ang mga kliyente, makikita ang isinagawang operasyon ng mga operatiba nang makakuha na sila ng hudyat.
“Normally ang mga parokyano nila foreigner. Kaya yung isang kasama naming na agent, pinag-appear namin na Hapon para makapasok,” saad ni NBI CELRO assistant regional director Noel Bocaling.
“Ito, operated ng isang Filipino-Korean, at lahat ng kasosyo puro Koreano na. Ang mga exploited nila, mga babae talaga,” dagdag pa ng opisyal.
Normal na KTV bar lang umano ang hitsura sa labas ng establisyemento at Agosto 2022 nang nagsimula raw ang prostitusyon sa lugar.
“Kuha ka ng kuwarto, sing-along, tapos ang modus nila, lalapit ‘yung 'mama-san.' Mag-o-offer ng hindi extra service ang tawag nila, 'sokoji' fine ang tawag nila. Ilalabas mo ‘yung babae for a fee,” ani Bocaling.
Arestado ang limang suspek, kabilang ang tatlong Koreano na may-ari raw ng KTV bar.
“Nag-recommend tayo na sampahan sila ng qualified human trafficking. Lalabas na non-bailable ang kasong ito committed kasi by more than three, syndicated itong ginawa nilang illegal business na ito,” ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.
“Ang human trafficking kasi is a form of modern slavery. That is why napaka-importante na ma-identify at maalis sa exploitative condition ang mga victims lalong-lalo na ang biktima dito ay menor de edad,” dagdag pa niya.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang mga suspek.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News