Mula sa pagiging beauty queen, natagpuan ng isang dalaga ang kaniyang "higher calling" nang maging isang sundalo at paglingkuran ang ating bayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Saksi, makikita ang hindi maikakailang ganda at tindig ni Lyka Chamberlaigneh Lagasca na tubong Lal-Lo, Cagayan.

Itinanghal si Lyka na Eco-Angel Warrior sa Miss Earth Philippines 2020.

Bukod dito, nakapagtapos din siya sa kolehiyo noong 2019 na may Latin honors pa.

Hindi talaga binalak ni Lyka na magsundalo, pero naging inspirasyon niya ito para makatulong sa komunidad.

Fulfilling aniya ang mga pinagdaanan niyang hirap sa pagsasanay, hanggang sa maging Second Lieutenant na siya ngayon sa Philippine Army.

Kung bibigyan ng pagkakataon, sasali pa rin sa mga beauty pageant ang armed at fabulous na si Lyka.

"Never in my wildest dream to become part of the Armed Forces of the Philippines kasi mapisikal 'yun sir eh. Sinubukan ko lang po talaga, kasi bibihira nga lang din po ang mga babae sa military. Anything is possible," sabi ni Lyka. —LBG, GMA Integrated News