Nais ni Marian Rivera na makagawa ng susunod niyang pelikula. Binanggit din niya ang pangalan ng dalawang aktres na nais niyang maging kontrabida sa kaniyang dream project.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ang Kapuso Primetime Queen kung sino ang mga nais niyang makasama sa kanilang dream movie.

Bilang mga kontrabida, sinabi ni Marian na nais niyang makasama sina Glaiza De Castro at Katrina Halili.

"Silang dalawa kontrabida ko, laban ako," saad ng aktres.

Nais din ni Marian na makatrabaho ang kaniyang mga kaibigan na sina Ana Feleo at Boobay, at ang kaniyang mister na si Dingdong Dantes, na kaniyang nakatambal sa Metro Manila Film Festival 2023 entry na "Rewind."

Gumawa ng kasaysayan ang "Rewind" bilang highest-grossing Philippine film of all time.

Binanggit ni Marian na nais niyang makatrabaho sa pelikula si Gabby Eigenmann, na kasama niya sa kaniyang nakaraang Kapuso series na "My Guardian Alien."

Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Miyerkules ang pelikula ni Marian na "Balota," kung saan nanalo siyang Best Actress sa Cinemalaya Film Festival. —FRJ, GMA Integrated News