Nasawi ang isang ama na angkas sa motorsiklo nang makatulog umano ito at mahulog makaraang sunduin ng kaniyang anak mula sa isang inuman sa Narvacan, Ilocos Sur.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jomar Antonio.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, sinundo ng anak mula sa inuman si Antonio. Pero habang angkas at bumibiyahe sila sa barangay road sakay ng motorsiklo, nakaidlip daw ang biktima kaya nahulog.
Nasawi ang biktima habang ginagamot sa ospital.
“Pero noong may mga kamag-anak nagbibisita sa kaniya, nag-uusap-usap sila doon na bumalik sa mga investigator natin at doon sinabi na tumama sa gulong ng sasakyan,” ayon kay Narvacan Police Station chief Police Major Arcadio Viloria.
Nakatakdang isailalim sa autopsy ang labi ng biktima. Wala pang pahayag ang pamilya, ayon sa pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News