Naging maaksyon ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang suspek umano sa pananambang at pagpatay sa isang lalaki na kakandidatong punong barangay sa Santa Maria, Laguna. Ang mga nadakip, nakipagbarilan pa raw sa mga pulis.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang mga suspek na sina Edgar Evangelio at Noel Buluran.
Sina Evangelio at Buluran ang tinuturong nanambang at pumatay sa 48-anyos na biktimang si Harrison Diamante, na taga-pangulo ng isang kooperatiba sa naturang bayan at kakandidato umanong punong barangay.
Nagsagawa naman ng dragnet operation ang mga awtoridad para madakip ang mga suspek.
Sa isang video, maririnig pa ang putok ng mga baril habang tinutugis ng mga pulis ang mga suspek.
Nadakip ang isang suspek na nagtago sa bukirin, habang sa sapa naman nadakip ang isa pa.
Kinailangan ding gumamit ng metal detector ang mga awtoridad upang mahanap ang baril ng mga suspek na ibinaon sa maputik na bukid.
Dalawang suspek pa umano sa ambush ang nakatakas.
“Based po sir sa autopsy report [sa biktima], dalawang gunshot wound sa likod ang tumama sa baga at puso. Base sa aming investigation ay pulitika po ito [motibo], deklaradong tatakbong kapitan,” saad ni Santa Maria Police chief Police Major Evenier Boiser.
Sinabi pa ng opisyal na professional gun-for-hire ang grupo.
Mariing itinanggi naman ni Evangelio ang paratang na kasama siya sa pumatay sa biktima.
“Inosento po ako, sir. Napasama lang po ako sa mga kasama ko. Gusto ko lang po kumita dahil nag-aahente lang ako ng lupa noong araw na ‘yun,” depensa niya.
Wala pang komento ukol sa insidente si Buluran, na inilipat na sa Laguna Provincial Office. Natukoy na rin daw ng pulisya ang mastermind sa pananambang.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News