Nagtamo ng mga sugat sa likod, kamay at mukha at namamaga ang mga labi ng 26 estudyante, dalawang guro at isang principal matapos putaktihin ng mga bubuyog ang kanilang paaralan sa Tampilisan, Zamboanga del Norte.

Sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing inatake ng mga bubuyog ang ZNAC Elementary School noong Huwebes ng hapon.

Sinabi ng principal ng paaralan na si Lusila Patagoc na nagulat na lamang sila nang marinig ang pagsigaw ng mga estudyante mula sa loob ng silid-aralan.

Bago nito, umihi ang isang bata sa likod ng silid-aralan ng Grade 6.

Nagsitakbuhan palabas ng classroom ang ilang estudyante, samantalang nagpagulong-gulong ang iba para iwasan ang mga bubuyog.

Nahirapan ang mga guro at magulang sa pagtulong dahil inatake rin sila ng mga naturang insekto.

Agad tumugon ang local disaster risk reduction and management office ng Tampilisan para bigyan ang mga mag-aaral ng first aid at antihistamine.

Patuloy ang pag-monitor sa mga batang estudyante, habang makikipag-ugnayan ang eskwelahan sa barangay at magpapatawag ng PTA meeting para maiwasang maulit ang insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News