Nasawi ang isang driver at sugatan ang apat niyang sakay matapos siyang makatulog umano at sumalpok ang minamaneho niyang kotse sa center island ng Maharlika Highway sa Santo Tomas, Batangas.
Sa ulat ng "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita na nagkawasak-wasak ang harapan ng kotse matapos ang insidente.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang driver.
Lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa isang family reunion sa Camarines Sur ang mga biktima.
Papunta na ng Cavite ang mga biktima, pero nakatulog umano ang driver dahil sa haba ng biyahe. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News