Patay ng isang lalaki matapos na barilin umano ng kaniyang kapitbahay gamit ang sumpak sa lalawigan ng Quezon. Ang pinaniniwalaang ugat ng krimen, isang panabong na manok.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing hindi na nakapagdiwang ng Pasko ang biktimang si Gerry Ravaner, 38-anyos, ng Barangay Bani sa San Narciso, Quezon.
Nasawi si Ravaner matapos tamaan ng sumpak sa sikmura na ipinutok umano ng kaniyang kapitbahay na si Joey Balote.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi umano ang biktima kasama ang ama nito nang mapadaan sila sa bahay ng suspek.
Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawang panig na humantong sa pagbaril ni Balote sa biktima.
Lumilitaw na dati nang may alitan ang suspek at ang ama ng biktima dahil umano sa manok na panabong.
Ayon Police Major Eric Veluz, hepe ng San Narciso Police Station, pinagbibintangan ni Balote na ang ama ng biktima ang nagnakaw ng alaga niyang manok at kinatay.
Ito umano ang dahilan kaya nagtanim ng sama ng loob si Balote at inabangan ang mag-ama.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na kaagad na tumakas matapos gawin ang krimen.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News