Natupok ang mahigit na nasa 20 bahay sa Iloilo City nitong bisperas ng Pasko. Ang mga residente, sinubukan na apulahin ang apoy ngunit nabigo rin sila dahil sa malakas na hangin.
Sa ulat ni Zen Quilantang ng GMA Regional TV “One Western Visayas” nitong Lunes, makikita sa isang video ang malaking apoy at usok na lumalamon sa mga kabahayan sa gilid ng dagat sa boundary ng Barangay Calumpang at San Juan sa Distrito ng Molo pasado 2 p.m. nitong Sabado.
Sinubukan ng ilang residente na apulahin ang sunog ngunit mabilis na kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin.
Sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa 26 na bahay ang nasunog.
Ayon sa BFP, posibleng problema raw sa linya ng kuryente o napabayaang niluluto ang pinagmulan ng apoy.
Samantala, isang malaking sunog naman ang sumiklab pasado 5 a.m. nitong Lunes sa Barangay Veterans Village sa Iloilo City.
Sa inisyal na tala ng BFP, hindi bababa sa sampung bahay ang tinupok ng apoy.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.
Sumiklab din ang isang sunog sa waste segregation area Barangay Poblacion sa bayan sa Pio V. Corpuz sa Masbate.
Batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), posibleng ang mga pinaglaruang mga paputok ng ilang kabataan sa lugar ang pinagmulan ng sunog.
Maaaring naitapon daw ang mga paputok sa mga nakatambak na basura dahilan para mabilis din lumaki ang apoy.
Agad naman naapula ng mga kawani ng BFP ang apoy at wala namang naitalang sugatan sa insidente.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News