Dalawang rider ang nasawi nang magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa San Narciso, Quezon. Ang isa sa mga rider, menor de edad.
Sa ulat mula sa San Narciso Municipal Police Station, sinabing nangyari ang sakuna nitong araw ng Pasko, Linggo ng hapon, sa Buenavista Road sa Barangay Guinhalinan.
Patungo umanong sentro ng San Narcisco ang menor de edad na rider nang mawalan ito ng kontrol sa kaniyang motorsiklo sa pakurbang bahagi ng highway, at sumalpok na nakasalubong na motorsiklo na minamaneho ng 38-anyos na rider.
Pareho umanong walang suot na helmet ang dalawang rider na nagtamo ang matinding pinsala sa kanilang katawan at ulo.
Isinugod sila sa ospital pero parehong binawian ng buhay.
Ayon sa pulisya, accident prone area ang lugar na pinagyarihan ng aksidente.--Peewee Bacuño/FRJ, GMA Integrated News