Isang 8-taong-gulang na bata namatay sa Marinduque matapos mabundol ng van, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Batay sa kuwento ng pinsan ng biktima sa pulis, nangangaroling sila nang maganap ang aksidente. Tumawid daw sila ng kalsada pero naiwan ang biktima.

Aniya, biglang tumawid ang kaniyang pinsan kaya nabundol ng van.

Dinala sa istasyon ng pulis ang driver ng van na kinilalang si Val Rosales Jacobe, na hindi nagbigay ng pahayag sa media.

Sa Quezon naman, sugatan ang isang 7-taong-gulang na bata matapos mahagip ng isang truck sa Maharlika Highway sa Atimonan.

Naglalakad daw sa gilid ng kalsada ang biktima kasama ang mga kaibigan nito para mangaroling nang mangyari ang insidente.

Kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital ang biktima habang inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver ng truck. —KBK, GMA Integrated News