Tila may multiverse ang sikat na Chocolate Hills sa Bohol dahil sa Camalig, Albay, matatagpuan naman ang kamangha-mangha at pinapasyalan ding Quitinday Hills.
Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” ipinaliwanag ng tour guide sa Quitinday Hills na si Domingo Francisco, na dati itong nakalubog sa tubig 1.8 milyong taon ang nakararaan. Kaya naman may makikitang mga kabibe, korales at marami pang iba sa mga burol.
Lumitaw ang mga burol nang nawala na ang tubig.
Mahigit 400 hills ang makikita sa lugar at abot-tanaw pa ang Bulkang Mayon.
Ngunit hindi tulad sa Bohol, walang matatagpuang tarsier sa Albay.
Kung gusto naman ng activities, maaaring mag-enjoy sa Solong Eco Park sa Camalig pa rin, at puwedeng mag-spelunking sa crystal cave.
Sa Soa, Malinao, sa Albay naman, maaaring mag-enjoy sa paliligo sa Vera Falls, na may taas na 35 feet.
Huwag ding palampasing tikman ang macapuno rice puto na paborito ng mga Bikolano, na ginamitan ng giniling na bigas, hinulma sa bao sa macapuno, at pinalamanan ng caramelized macapuno. — VBL, GMA Integrated News