Nadakip ng Criminal Investigation and Detection Group Cavite ang isang lalaking sangkot umano sa iba't-ibang kaso ng panloloko at pagnanakaw tulad ng rent-tangay modus. Ang suspek, nalulong daw sa sabong kaya nagawa ang krimen.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Randy Lerum alyas Ralph Gatdula, na naaresto sa Pasay City nitong Martes sa operasyong ikinasa ng mga tauhan ng CIDG Cavite.
Kuwento ng isang biktima, ipinagkatiwala raw nila kay Lerum ang kotseng pinag-ipunan nila ng kanyang mister para sana paupahan.
“Sabi niya is pwede kong ipasok ang sasakyan ninyo na iparenta. Sa umpisa po nirentahan ng tatlong araw. Sa tatlong araw, na po ‘yun nagpakitang gilas si Ralph. Binigay niya po ng buo ‘yun kaya medyo naengganyo ang asawa ko na iparenta sa kanya ng buo,” saad ng biktima.
Ayon pa sa biktima, cash daw nang binayaran ng suspek ang isang buwang renta ngunit matapos daw ang higit isang buwan, hindi na ibinalik ni Lerum ang kanilang sasakyan.
Nang puntahan nila ang agency umanong pinapasukan ng suspek, sinabihan silang hindi nila ito tauhan.
Dito na nila nabatid na biktima pala sila ng rent-tangay modus.
“’Yung asawa ko three days siyang nagkasakit kakaisip po niyan,” diin pa ng biktima.
Samantala, nabiktima rin ni Lerum ang biktima ng kapatid ng isang overseas Filipino worker.
Batay sa salaysay ng ikalawang biktima, sa Facebook raw binentahan ng suspek ng van ang kanyang kapatid na noon ay naghahanap ng negosyo sa Pilipinas para makauwi na.
Pumayag daw sila dahil mura ang van bagamat may kaunti pang huhulugan sa bangko.
Pero matapos ang ilang araw, kinontak sila ng nagpakilalang may-ari raw ng van dahil kinarnap lang daw ito ng suspek kaya ibinalik ng biktima.
“Nu’ng nag-search ako sa FB lumabas sa feed ‘yung mga nag-post na ‘beware, ito scammer ‘to’. Doon po, napaupo na lang po ako eh… ‘Yung pera na ‘yun pinagipunan ng kapatid ko na construction worker sa ibang bansa,” sambit ng biktima. “Sobrang stress, na-trauma. Grabe ‘yung effect sa amin.”
Sa pagkaka-aresto sa kanya ng CIDG para sa kasong estafa at carnapping, may iba pang inamin si Lerum.
“’Yung pagkakasala ko naman po inaamin ko. Pero ‘yung about po sa mga sasakyan po ay mayroon po talaga sa amin na sa likod nu’n nagfi-finance po talaga. Ako po ay nanghihingi ng pasensya sa mga nangyari po at nagsisisi po ako,” aniya pa.
Pero may iba palang modus na kinakasangkutan ang suspek.
Ayon kay CIDG Cavite provincial office Lieutenant Colonel Benedict Poblete, nagpapanggap daw si Lerum na hotel owner para ialok sa mga biktima na may naka-package pang transport service pero kailangan bayad muna.
“Hindi pwedeng 50% kundi full payment ang kailangan mong gawin. Bigay mo lahat ang full payment kung magkano ang usapan ninyo and on that day kung kailan ang usapan na susunduin ni Randy Lerum, ay walang Randy Lerum na magpapakita,” ani Poblete.
Hindi na rin itinanggi ng suspek ang ikalawang akusasyon at inamin ang dahilan daw ng panloloko.
“Hindi ko naman po talagang akalain na lalala po dahil na-ano po ako sa sabong, sa sugal,” ani Lerum.
Paalala naman ni Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) Cavite Police Senior Master Sergeant Jefferson Cabuloy sa publiko, “Kung ito ay second hand ay dapat hanapin natin ‘yung unang-una original OR-CR, valid ID ng registered owner at pinakaimportante pumunta tayo sa aming himpilan, sa HPG. Sa mga nagpaparenta naman po ay dapat po kilalanin natin ang nagrerenta.” -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News