Nasawi ang dalawang babae matapos na mabundol at makaladkad ng isang van, at muling mabangga ng isang pickup truck sa Batangas. Ang mga biktima pauwi na sa Marinduque at pansamantalang tumigil ang kanilang sasakyan sa Batangas para kumain at magbanyo.
Sa ulat ni Dyan Loquellano sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nakapanayam noong Lunes si Abel Caguimbal, driver ng van na sinasakyan ng dalawang babaeng biktima.
Galing umano sila sa Maynila at pauwi na sa Marinduque nang tumigil sila sa Sto. Tomas, Batangas para sana kumain.
Pero hindi raw sumama na kumain ang dalawang biktima at sa halip ay magbabanyo na lang na nasa kabilang bahagi ng Maharlika sa Barangay San Miguel.
Sinamahan umano ang dalawa na makatawid naman nang ligtas. Pero wala na silang kasama pabalik sa sasakyan, at doon na nangyari ang trahedya.
Nahagip ng L-300 van na minamaneho ni Noli Rojero, ang dalawang babae at nakaladkad. Nang tumilapon ang mga biktima at napunta sa kanilang bahagi ng kalsada, doon sila muling nahagip ng kasalubong na pick-up truck na minamaneho naman ni Richard Perol.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang dalawang babae.
Ayon kay Police Major Allan Nidua, Deputy ng Sto Tomas City Police Station, mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan na nakabangga sa mga biktima.
Paliwanag ni Perol, mabagal lang ang takbo ng kaniyang sasakyan, at nagulat na lang siya nang may tumama sa windshield ng kaniyang sasakyan.
Sabi pa ni Perol, ang nakabanggang van ang mabilis ang takbo at wala itong ilaw kaya hindi umano nakita ang mga biktima.
Aminado naman si Rojero, na mabilis ang kaniyang takbo dahil may isusugod umano siyang kambal na sanggol sa ospital.
"Kambal na bata two month eh naghihingalo na po kaya po yung takbo ko napabilis po. Nagulat nga rin lang ako nang nabasag na po yung windshield," saad niya.
Humingi siya kapatawaran sa mga kaanak ng mga biktima, at iginiit na hindi niya gusto ang nangyaring aksidente.
Nasa kostudiya ng pulisya ang dalawang driver na mahaharap sa kaukulang kaso.
Naiuwi na sa kanilang pamilya sa Marinduque ang mga labi ng dalawang nasawi. Tumanggi na umano ang pamilya ng mga biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News