Nanawagan ang mga mangingisda sa San Juan, Batangas na itigil na ang ilegal na pangingisda makaraang matuklasan ang mga putol na bahagi ng katawan ng dolphin sa ilalim ng dagat.
Nitong nakaraang Oktubre nakita ng professional diver at underwater photographer na si Penn Delos Santos ang putol na katawan ng dolphin sa ilalim ng dagat na sakop ng nasabing bayan.
Sa ulat ni Andrew Bernardo ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabi ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Juan, na maaaring aksidenteng nahuli ang naturang dolphin at kinatay ng ilang mangingisda.
Pero ang kinumpirma ng ahensya na hindi isolated case ang narinig ni Delos Santos na pagsabog sa ilalim ng dagat.
“Nagrereklamo ang mga fishers’ port. Wala silang mahuli. Ang daming isda dito sa amin, eh kasi ‘yung mga dumadaan na mga breeder kapag pinuputukan patay na agad,” saad ni San Juan MENRO head Noel Pasco.
Itinuro ng MENRO ang mga mangingisda mula sa karatig na lalawigan na nagsasagawa umano ng ilegal na pangingisda sa kanilang karagatan.
Mahigpit din ang ginagawang pagbabantay ng Bantay Dagat San Juan para walang makapasok na ilegal na mangingisda sa kanilang municipal water.
Pero sabi ni Mayor Ildebrando Salud, “Nanghihinga nga ako ng tulong sa national [government] dahil hindi namin kaya na kami ang hahabol, hindi aabot ang bangka namin.”
Ayon sa ulat, hiningan ng pahayag ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon kaugnay sa usapin pero wala pa itong tugon.
Wala pa naman umanong nakakarating na pormal na reklamo sa Department of Interior and Local Government Calabarzon tungkol sa ilegal na pangingisda sa San Juan habang tinututukan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Calabarzon ang isyu.
Sinisikap pang kuhanan ng komento ang Philippine Coast Guard Batangas tungkol dito. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News