Nasawi ang isang 25-anyos na rider matapos na mapunta umano sa kabilang linya ng kalsada at masalpok ng kasalubong na bus sa Atimonan, Quezon. Ang driver ng bus, nasa kostudiya ng pulisya.

Sa ulat ni Mark Lavarro ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nangyari ang insidente sa Maharlika Highway na sakop ng Barangay Magsaysay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang patakbo ng motorsiklo at nasakop nito ang kabilang linya ng kasalubong na bus.

“Itong motorcycle ay coming in opposite direction, ngayon na-occupy niya ‘yung linya ng bus. So, without a due nagkaroon ng head-on collision,” ayon kay Atimonan Police Station Police Master Sergeant Erwin Salvadora.

“So, human error ‘yung bilis ng pagpapatakbo, atsaka ‘yung daan kung paano ‘yung mga linya na dapat ay linya nila, ay dapat eh doon lang sila,” dagdag pa ni Salvadora.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima na nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan.

Nasa kustodiya naman ng Atimonan Police Station ang drayber ng bus at nakikipag-usap na raw ito sa pamilya ng biktima.

“Kung walang maayos na settlement, ipa-file ko ito sa provincial prosecutor natin sasampahan natin siya ng reckless imprudence resulting to homicide with damage to property,” ani Salvadora.

Sinusubukan pang makukuhanan ng pahayag ang drayber ng bus at pamilya ng nasawing biktima ukol sa insidente. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News