Makapilig-hininga ang pagsagip sa apat na divers sa Ilocos Sur matapos lumubog ang kanilang sinasakyang bangka.
Sa report ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente malapit sa seawall ng Barangay Santa Catalina.
Lumubog ang bangkang sinasakyan ng apat na divers nang hampasin ito ng mga malalakas na alon.
Makikita sa video ang pahirapang pag-rescue sa mga diver dahil sa naglalakihang alon na humahampas sa seawall.
Ginamit ng divers ang mga gallon ng tubig bilang floater hanggang sa makalapit sila sa seawall.
Sa tulong na rin ng mga residente, nailigtas ang lahat ng apat na divers.
Patungo umano ang mga diver sa Santa Ana, Cagayan nang mangyari ang insidente.
Nagkapira-piraso ang kanilang bangka, at makikitang nagkalat ang mga bahagi nito sa tabing-dagat.
Maayos na ang lagay ng apat na divers, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News