Duguan at magtamo ng matinding sugat sa mukha ang isang rider matapos tumama sa bato. Ang biktima, sumempleng nang makabanggaan ang isang nagbibisikleta na hindi umano maayos ang pag-arangkad sa Calapan City, Oriental Mindoro nitong Linggo.
Sa ulat ni Andrew Bernardo ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jason Mangiyat, residente ng Victoria, Mindoro, nakitang nakahandusay sa gilid ng national highway na sakop ng Barangay Bayanan II.
Ayon sa nakakita sa insidente na si Carlo Magno, pumalo sa semento at gutter ng highway ang mukha ang biktima matapos makabanggaan ang isang lalaking sakay ng bisikleta.
“’Yung naka-bike biglang tatabi, gigitna. ‘Yung motor malayo pa napreno na. Maya-maya na malapit ang motor, gumitna ulit ang naka-bike at saka naman siya umabante na akala niya tatabi ‘yung naka-bike, nalito ‘yung nakamotor, tumama 'yung mukha niya sa semento," ani Magno.
Inaalam ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nakabanggaang nitong nakabisikleta na mabilis umanong umalis sa lugar matapos ang insidente.
“Kasi siya po ang dahilan kung bakit po nagkaroon ng aksidente. So, i-review po natin ang CCTV… pwede [siyang managot] dahil siya nga po ang naging cause kaya naaksidente ang biktima natin dito,” ayon kay Police Corporal Marcial Alfante ng Calapan City Police Station.
Samantala, naabutan naman ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog ang isang lalaking rider din na nakahandusay at wala nang buhay sa kahabaan ng National Highway na sakop ng bayan ng Pinamalayan sa nasabi ring lalawigan.
Nagkalat pa ang parte ng katawan ng biktima at bahagi ng truck na nakabanggaan ng minamaneho niyang motorsiklo.
“Maganda po kasi talaga ang kalsada natin tapos aspalto, kaya po talaga laging mabilis ‘yung mga sasakyan natin. Ito po kasi ay nautical highway po talaga kaya po talagang lahat ng mga sasakyan dito talagang magaganda po ang takbo,” sabi ni Alfante, kasabay ng paalala sa mga motorista ang ibayong pag-iingat sa pagmamaneho. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News