Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol na pitong-buwang gulang nang mahulog siya mula sa motorsiklo habang hawak ng ina at nasagasaan ng dump truck sa Binalbagan, Negros Occidental.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagmamaneho ng motorsiklo ang ama ng bata at angkas nito ang kaniyang asawa, na siyang may hawak sa sanggol.
Nag-overtake umano ang motorsiklo sa sinusundang truck pero nawalan ito ng kontrol nang may tumawid umanong babae.
Natumba ang motorsklo at nabitawan ng ina ang sanggol na doon na ito nagulungan ng truck.
Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck, hindi na nagbigay ng pahayag.
Gayunman, wala na umanong plano ang pamilya ng sanggol na magsampa ng kaso laban sa driver.
Sa Batangas naman, labis ang hinagpis ng ginang na si Lourdes Cunanan sa sinapit ng kaniyang 21-anyos na anak na si Angelo.
Nasawi ang biktima matapos na pumailalim sa truck ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Barangay Banaybanay sa Lipa City.
"Nag-swerve itong si truck because of the roadwork from the right side of the road. Na-occupy niya yung left inner lane ng opposite side ng kalsada, resulting yung ating motorsiklo ay tumama doon sa left portion," ayon kay Police Leiutenant Colonel Ariel Azurin, hepe ng Lipa City Police Station.
Nadala ang biktima sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Humingi naman ng patawag ang driver ng truck na nahaharap sa reklamong
reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.--FRJ, GMA Integrated News